Bingwit
Tangan-tangan ko siyang dagtum ang bawat hibla ng buhok
Mga matang pikit-dilat na parang bagang bumebeso
Bula siyang naglahong tangan-tangan itong aking dagok
Puso’y hihimlay nang payapa gayong alam kong ako’y batid mo.
.
Nagpasalin-dila na ang kuwento ng isang dilag
Umaahon sa bawat ragasa ng berde-asul na pasipiko
Tinig niyang tumatawag sa mga lalaking mandaragat
Mapanlinlang, mapusok─huwag kang padaraig sa mukha niyang maamo.
.
Kariktang kakambal ng kasalanan, sumpa
Ang daplis ng mga daliri niyang bugtong, enigma
Mga butong hihiguping pailalim ng karagatan
Medusa siyang tumatagos sa nabahiran.
.
Mga bulong kong isinusulat sa dalampasigan
Papanooring akayin ng tubig, anurin nawa hanggang kawalan
Tumingala ako’t namataan
Siyang sa aki’y hindi salamin kundi lagusan.
.
Dali-dali akong lumapit,
Walang salitang binitawan
Bakit ba para akong namimilipit?
Saka ko na lamang naintindihan.
Hindi nga lang ang kuwentong-bayang mula sa mga tagapamalakaya.
.
Unti-unti sumayaw sa saliw ng hangin ang mga bula
Diwa na lang siyang bingwit ko hanggang ala-ala
Nakawala na siya sa sumpa
At ako, naiwan sa isang desisyong hindi langit o lupa.
.
Bago pa magdapit-hapon
Ang pasipiko’y akin nang tinunton
Ang ginituan kong buhok na gagapos, magpapatiklop
Sa kanilang binahiran ng sama siyang marikit at may buntot.